Nagsagawa ang Senado ngayong Martes ng pagdinig para talakayin ang mga hakbang laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis sa ekonomiya at mamamayan.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, dapat nang ideklara ang state of national emergency, pananaw na sinusuportahan ng maraming senador.
Binuo ang Senate Protect Committee upang magplano sa pagtugon sa kakulangan sa enerhiya at mataas na presyo ng langis dulot ng digmaan ng US at Israel sa Iran.
Ayon kay Aquino, kailangan ng mas malawak na kapangyarihan ang pamahalaan upang protektahan ang pamilihan, ospital, paaralan, at tiyakin ang suplay ng pangunahing bilihin.
Binigyang-diin ni Sen. JV Ejercito na ang mga minimum wage earners, PUV drivers, OFWs, at middle-class ang pinakabigat ang pasan.
Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, dapat gamitin ang krisis upang palakasin ang sistema sa pagkain at enerhiya, habang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na dapat aminin ng Malacañang ang bigat ng sitwasyon at ihanda ang mga plano sakaling lumala ang krisis.











