--Ads--

Sa botong 5–19, hindi pinayagan ng Senado ang mosyon ni Senate Minority Leader Tito Sotto na i-table o ipagpaliban muna ang pagtalakay sa mosyon ni Sen. Rodante Marcoleta na i-dismiss ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa plenary session ng Senado ngayong Aug. 6, 2025, inihain ni Sen. Marcoleta ang mosyon na i-dismiss ang impeachment articles laban kay VP Duterte. Ginamit niyang batayan ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa reklamo bilang unconstitutional dahil sa paglabag sa one-year rule at kakulangan sa due process.

Tinangka ni Sen. Sotto na i-antala ang pagpasa sa mosyon sa pamamagitan ng motion to table, o ang pagsasantabi muna ng usapin. Ayon sa kanya, may nakabinbing motion for reconsideration mula sa Kamara de Representantes hinggil sa desisyon ng Korte Suprema, kaya’t hindi dapat madaliin ang pag-dismiss ng kaso.

Gayunpaman, 19 na senador ang bumoto laban sa mosyon ni Sotto, habang 5 lamang ang pabor, dahilan upang tuluyang ibasura ang kanyang panukala. Dahil dito, tuloy-tuloy na ang pagtalakay sa mismong mosyon ni Marcoleta na i-dismiss ang reklamo.

--Ads--

Noong July 25, 2025, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Ito ay dahil sa naunang pagbasura ng parehong reklamo sa Kamara at muling paghahain nito sa loob ng isang taon, na labag sa one-year ban rule. Binigyang-diin din ng Korte na hindi nabigyan ng sapat na due process ang Pangalawang Pangulo.

Samantala, una nang bumoto ang Senado noong June 10 para ibalik ang impeachment case sa Kamara, sa gitna ng legal na kalituhan at usapin sa hurisdiksiyon. Sa botong 18–5, piniling huwag munang ipagpatuloy ang impeachment trial noon.

Ngunit ngayon, matapos ang resulta ng botohan, malinaw na mas pinipili ng mayorya sa Senado na resolbahin agad ang usapin sa pamamagitan ng pagboto sa mismong mosyon na i-dismiss ang reklamo laban kay VP Sara Duterte.