--Ads--

Nagbabala si Sen. Sherwin Gatchalian hinggil sa napaulat na mga leakage sa professional licensure examinations na isinasagawa ng Professional Regulation Commission (PRC), at sinabing maaaring maapektuhan nito ang pamantayan ng mga propesyon at malagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko.

Sa isang pagdinig sa Senado, iginiit ni Sen. Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapanatili ng integridad ng mga licensure exam. Aniya, layunin ng pagsusulit na matiyak na kwalipikado ang mga doktor, inhinyero, guro at iba pang propesyonal. Nakababahala umano kung may makakapasa dahil sa leakage, dahil maaaring mauwi ito sa problema kung hindi tunay na kwalipikado ang nakapasa.

Dagdag pa ng senador, bagama’t alegasyon pa lamang ang isyu, seryoso aniya itong usapin dahil malaki ang ginagastos at oras na inilalaan ng pamahalaan sa pagre-regulate ng mga propesyon at sa paggawa ng mga batas kaugnay nito.

Lumabas ang pahayag ng senador matapos iulat ng Second Congressional Commission on Education na may mga bahagi umano ng March 2023 Board Licensure Examination for Professional Teachers ang kumalat online.

--Ads--

Gayunman, iginiit ni Rosita Navarro, chairperson ng Career Progression and Specialization Program Credit Accumulation and Transfer System Committee for Professional Teachers, na hindi nagmula sa loob ng PRC ang anumang leakage.

Ipinaliwanag niyang karaniwang inilalagay sa quarantine ang mga miyembro ng board habang inihahanda ang mga questionnaire upang maiwasan ang hindi awtorisadong paglabas ng impormasyon.

Sa kabila nito, nabanggit sa pagdinig na may malaking posibilidad na naganap ang umano’y pagtagas ng mga tanong habang isinasagawa na ang mismong pagsusulit.