Nagbabala si Senator Sherwin Gatchalian na maaaring tapyasan hanggang sa mawalan ng pondo ang mga flood control projects kung hindi maaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pamamalakad sa kanilang mga proyekto.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag matapos mabunyag ang ilang maanomalyang flood control at mitigation projects sa iba’t ibang probinsya.
Ayon sa senador, hindi papayag ang Senado na ipagpatuloy ang pagbibigay ng pondo kung hindi maaayos ng DPWH ang kanilang sistema. Ipinahayag din niyang ipare-review niya ang proseso ng mga flood control projects upang matiyak na hindi ito mauuwi sa pang-aabuso ng mga kontratista at sindikato.
Kasabay nito, hiniling ni Gatchalian na higpitan ang bidding process para sa mga infrastructure projects at gamitin ang makabagong teknolohiya, kapalit ng kasalukuyang manual system. Aniya, sa pamamagitan nito ay mababawasan ang human intervention na nagiging dahilan ng mga iregularidad at “ghost projects.”











