--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpasalamat si Senador Maria Lourdes Nancy Binay sa mga Isabelenio dahil nakabalik siya sa Senado sa tulong ng malaking boto na nakuha sa Isabela noong nakaraang May 13, 2019 Midterm Elections.

Sa inagurasyon kagabi ng bagong gobernador ng Isabela na si dating Congressman Rodito Albano sa Queen Isabela Park sa harapan ng Provincial Capitol sa City of IIagan, Isabela ay nanumpa si Senador Binay sa dalawang barangay kapitan bago magkasunod na nanumpa sina Gov. Albano at Vice Governor Faustino Dy III.

Kasama ni Senador Binay ang kanyang pamilya at ama na si dating Vice President Jejomar Binay.

Matapos ang kanilang oath taking ay isinagawa ang konsierto nina Jed Maddela at Vina Morales sa Quuen Isabela Park.

--Ads--

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Senador Binay na labis ang kanyang kaba sa halos isang linggong paghihintay sa resulta ng halalan para sa pagkasenador dahil siya ay nasa ika-12 puwesto at posibleng mahulog sa ika-13 na puwesto.

Gayunman nang sabihin sa kanya na boto na lamang mula sa Isabela ang hinihintay ay napanatag siya dahil umasa siya sa kanyang mga kababayan sa Isabela at hindi siya nagkamali dahil muli siyang nakabalik sa senado.

Si Senador Binay ay nakakuha ng mahigit 400,000 na boto sa Isabela. 

Tiniyak ng Senadora na hindi niya bibiguin ang lahat ng mga nagtiwala sa kanya.

Sinabi pa ni Senador Binay na sa kanyang pag-upo sa Senado ay paiigtingin niya ang pakikipagtulungan sa Isabela para mas lalong mapaunlad ang lalawigan.

Bilang bagong halal na senador aniya ay ipagpapatuloy niya ang pagsuporta sa mga panukalang batas na makabubuti sa bansa.

Ang tinig ni Senador Nancy Binay

Matapos manumpa si Senador Binay ay sumunod na nanumpa sina Gov. Rodito Albano at Vice Gov. Bojie Dy at iba pang nahalal na congressman at board member ng Isabela. 

Sa naging inaugural speech ni Gov. Albano ay nagpasalamat siya sa mga Isabelenio sa ibinigay na tiwala sa kanya para maging goberbador ng Isabela.

Hiniling din niya sa lahat ng mga lokal na opisyal sa Isabela na makipagtulungan sa kanya para gawing maganda at maunland ang Isabela.

Binigyang-diin niya na hindi papayagan ang kahit sinong pulitiko o empleado sa lalawigan na umastang master o boss sa lahat ng mga mamamayang gustong humingi ng tulong.

Aniya, ang gawain nila ay pagsilbihan ang mga tao at hindi para maging master ng mga mamamayan kundi dapat silang magpakumbaba at tumulong sa mga tao.

Sinabi ni Gov. Albano na hindi rin siya papayag na mailagay ang kanyang pangalan sa mga signages at billboard sa mga public works at projects sa Isabela.

Ang mga pinuno at kawani aniya na magsisilbi nang maganda at mahusay ay mabibigyan ng kaukulang reward.

Ang tinig ni Gov. Rodito Albano