--Ads--

Binatikos ni Senador Sherwin Gatchalian ang umano’y pagdoble ng pondo para sa mga farm-to-market roads o FMRs mula ₱16 bilyon sa National Expenditure Program na inaprubahan ng ehekutibo, patungong ₱32.6 bilyon sa panukalang 2026 General Appropriations Bill.

Sa pagdinig ng Senate subpanel on finance sa panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways o DPWH, kinuwestiyon ni Gatchalian ang 104% increase ng alokasyon para sa FMRs.

Ayon sa punto ng senador na siya ring Chairman ng Senate finance committee na habang nililinis ang budget ng DPWH ay mukhang nagkakaroon umano ng paglipat ng ilang pondo nito sa Department of Agriculture o DA at maaari itong maging isyu.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DA nitong buwan, lumabas na mahigit ₱10 bilyong halaga ng FMR projects sa 2023 at 2024 national budgets ang umano’y labis na overpriced.

--Ads--

Tinanong din ni Gatchalian si Christy Polido ang direktor ng DA Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering kung kabilang sa Farm-to-Market Road Network Plan o FMRNP ang karagdagang ₱16 bilyon na inilaan para sa 2026.

Ayon naman kay Polido, sa kabuuang ₱32 bilyong pondo para sa FMRs, nasa ₱24 bilyon pa lamang ang kanilang naberipika.

Binigyang-diin naman ni Gatchalian na ang natitirang ₱8 bilyon ay posibleng maging problema ng DPWH dahil hindi ito maipapatupad kung hindi saklaw ng FMRNP.

Giit ni Gatchalian, masasayang lamang ang ₱8 bilyon kung maaaprubahan ngunit hindi naman maisasama sa network plan.

Sa parehong pagdinig, binigyan ni Gatchalian ng hanggang Biyernes ang DPWH upang makumpleto ang beripikasyon sa 148 line items sa panukalang 2026 budget upang matiyak na walang mga proyektong inuulit mula sa nakaraang taon.

Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, 798 sa 946 proyektong unang tinukoy bilang posibleng duplicate mula sa 2025 budget ang kanilang napatunayan at nabigyang-katwiran.

Samantala, ilang mambabatas din ang nag-ulat ng mga “double entries” o mga proyektong hindi nila kilala sa kanilang mga distrito sa panukalang 2026 budget na inaprubahan sa Kamara.

Ayon naman kay Batangas representative King Collantes, may ilang proyekto na tila naulit dahil lamang sa kaunting pagbabago sa pangalan o deskripsyon.

Kabilang sa mga dobleng proyektong tinukoy ni Collantes ang road rehabilitation sa Barangay Sta. Maria, Sto. Tomas City; ang completion ng multipurpose building sa Barangay Don Juan, Cuenca; at isang katulad na proyekto sa Barangay San Jose, Sto. Tomas City — pawang nagkakahalaga ng tig-₱5 milyon.