Matapos mabigo ang impeachment laban kay VP Sara Duterte, iginiit ni Sen. Imee Marcos na may bagong estratehiya ang ilang grupo—ang pagkuha ng kontrol sa Office of the Ombudsman upang ma-disqualify o makulong si Duterte bago ang 2028 elections.
Tinukoy ni Marcos ang nominasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang bahagi ng “Plan C,” kasunod ng pagbagsak ng people’s initiative at impeachment bid. Aniya, may kinakaharap na reklamo si Remulla kaya’t tututulan niya ito sa Judicial and Bar Council (JBC).
Sa panig ni Remulla, sinabi niyang magsusumite siya ng mosyon upang maresolba ang reklamong isinampa ni Marcos kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Si Remulla ay kabilang sa mga aplikanteng nais pumalit kay Ombudsman Samuel Martires, na binatikos sa umano’y kabiguang imbestigahan ang mga kasong plunder laban kay Duterte.
Bilang Ombudsman, plano ni Remulla na ibalik ang access ng publiko sa SALNs ng mga opisyal, ngunit may safeguards gaya ng redaction ng sensitibong impormasyon upang maiwasan ang pag-abuso.











