Iginiit muli ni Senator Joel Villanueva na “sui generis” ang impeachment court kaya tiyak pa rin ang pag-usad ng impeachment proceedings ngayong magbabalik sesyon na ang Senado.
Ayon sa kaniya bagamat nagbaba ang Korte Suprema ng desisyon o hindi, magpapatuloy pa rin ang impeachment case laban kay VP Sara sa impeachment court.
Nakasisiguro ang mambabatas na may senator judge na magre-raise ng naturang desisyon ng Supreme Court na nagdedeklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara oras na mag-convene sila bilang korte.
Kapag nangyaring may mag-raise ng isyung ito ay asahan na pagdedebatehan ito at pagbobotohan at kung anuman ang maging desisyon ng mayorya ay tiyak iyon ang masusunod.
Nangyari na aniya ito noong panahon ng impeachment trial laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona kung saan iniutos ng Korte Suprema na huwag pabuksan ang mga accounts ni Corona na hindi naman sinunod ng Senado at tuluyang pinatalsik ang dating Chief Justice.











