--Ads--

CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong Frustrated Murder ang isang Senior Citizen dahil sa pananaga sa kaniyang kaibigang magsasaka sa Barangay Dumawing, Jones, Isabela.

Ang biktima ay si Sandy Matias, tatlompu’t isang taong gulang, walang asawa, magsasaka habang ang pinaghihinalaan ay si Cristobal Sebastian, animnaput anim na taong gulang, mangingisda at kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan P/Chief Inspector kay Rex Pascua, hepe ng Jones Police Station, sinabi niya na nag-inuman ang dalawa sa birthday party at tinulungan ni Matias na iuwi si Sebastian dahil sa kalasingan.

Ngunit hindi akalain ng biktima na mayroong masamang motibo ang pinaghihinalaan at tinaga si Matias sa likod at iba’t ibang bahagi ng katawan.

--Ads--

Agad dinala sa Hospital ng Jones, Isabela ang biktima ngunit inilipat din ito sa hospital sa lunsod ng Santiago dahil sa malubhang tinamong sugat sa katawan.

Nadakip si Sebastian ng mga opisyal ng barangay matapos nitong tumakas saka na turn-over sa himpilan ng Jones Police Station.

Hindi naman na recover ang ginamit na itak sa pananaga.

Samantala, sa lumabas pa sa isinagawang follow-up investigation ng Jones Police Station, iniwan ang pinaghihinalaan ng kaniyang misis at anak dahil sa pananakit nito sa kaniyang pamilya kapag nasa impluwensiya ng alak.

Ang kasong Frustrated Murder laban sa pinaghihinalaan ay naisampa na sa pamamagitan ng inquest proceedings habang ang biktima ay nagpapagaling na.