Alas-4 ng madaling-araw nitong Lunes, namataan ang Severe Tropical Storm Gorio sa layong 1,305 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon. Bahagya itong lumakas, taglay ang lakas ng hangin na 110 kilometro kada oras at bugso na aabot sa 135 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa typhoon intensity ang Gorio sa loob ng susunod na 12 oras bago ito unti-unting humina habang nananatili sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Patuloy itong kikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa karagatang Pasipiko at inaasahang tatama sa kalupaan ng hilagang-silangang Taiwan sa Miyerkules, Agosto 13.
Maaaring lumabas ng PAR ang bagyo pagsapit ng huling bahagi ng Miyerkules o maagang Huwebes.
Posible ring magtaas ng wind signal sa Extreme Northern Luzon kung bahagyang lilihis pa-hilaga ang direksyon ng bagyo. Gayunpaman, hindi direktang maaapektuhan ng Gorio ang bansa at hindi rin nito palalakasin ang habagat o southwest monsoon.











