Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng P3.93-bilyong Aglipay Sewage Treatment Plant (STP) sa Mandaluyong City, na may paunang kapasidad na 60 milyong litro ng wastewater kada araw.
Ang pasilidad, na pinamamahalaan ng Manila Water, ay maglilinis ng domestic wastewater mula sa catchment area na may lawak na 2,115 ektarya, sakop ang bahagi ng Mandaluyong, San Juan, at Quezon City. Tinatayang mahigit 650,000 residente ang makikinabang dito.
Ang mga dumi ng tubig na makokolekta sa 53-kilometrong sewer-drainage system ay daraan sa kumpletong proseso ng paglilinis bago itapon sa Ilog Pasig.
Ayon kay Marcos, higit sa makinarya, ang mahalaga ay ang resulta: mas malinis na tubig na ibinabalik sa kalikasan at mas mababang panganib sa kalusugan ng mamamayan. Dagdag pa niya, ang proyekto ay patunay na ang maingat na pagpaplano at maayos na pagpapatupad ng imprastruktura ay direktang nakapagpapabuti sa buhay ng tao.
Maaari pang palawakin ang kapasidad ng planta hanggang 120 milyong litro kada araw upang matugunan ang pangangailangan sa hinaharap.
Bahagi ang Aglipay STP ng mas malawak na inisyatiba ng Manila Water at MWSS para sa pagpapalawak ng sewerage systems sa east zone. Layunin din nitong makatulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay sa pamamagitan ng pagbawas ng untreated wastewater na dumadaloy sa mga ilog.
Kasabay nito, inanunsyo ng Pangulo na may limang wastewater treatment plants pang kasalukuyang itinatayo sa Metro Manila at karatig-lugar. Target ng pamahalaan na 76% ng kabahayan sa Metro Manila, Cavite, at Rizal ay konektado sa sewerage systems pagsapit ng 2047, habang ang natitira ay sakop ng tamang sanitation services.





