Inanunsiyo ni Sharon Cuneta na maglulunsad siya ng sariling management company. Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Sharon na magtatayo siya ng isang kumpanya na siyang mangangasiwa sa kanyang karera, mga schedule, at mga proyekto.
Makakasama umano niya sa bagong venture ang longtime music producer na si Eloisa Matias, na mangangasiwa sa kanyang mga musical shows at content production, at si Maricar Ong, ang matagal na niyang executive assistant, na hahawak naman sa kanyang mga TV at film projects.
Bagamat wala pang pangalan ang kumpanya, ipinaabot ni Sharon ang kanyang kasiyahan na makatrabaho sina Eloisa at Maricar. Ayon pa kay Sharon, magkakaroon siya ng karagdagang anunsyo tungkol sa kanyang kumpanya sa mga darating na araw, ngunit bukas na rin siya para sa mga interesado na mag-book at mag-inquire.
Ang anunsyo ay ginawa mahigit isang buwan matapos ipagdiwang ni Megastar ang kanyang ika-60 na kaarawan.





