--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagboluntaryo ang  grupo ng  Sierra Madre Trail Riders  sa pagtulong sa paghahanap sa kabundukan sa nawawalang Cessna plane.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Bayan Member Camilo Preza II ng Gamu, Isabela na nagboluntaryo sila matapos na marinig sa Bombo Radyo Cauayan na hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang eroplano dahil alam nila ang trail sapagkat palagi sila sa Sierra Madre mountains.

Ginawa rin nila ito dahil naaawa sila sa pamilya ng mga sakay ng eroplano na patuloy na umaasa na matatagpuan na ang Cessna plane.

Pumayag aniya si Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Constante Foronda, pinuno ng Incident Management Team (IMT) nang kausapin nila para magpaalam na tutulong ang kanilang grupo.

--Ads--

Kinausap din nila ang ground commander na si PLt Col Jeffrey Raposas, Force Commander ng 1st Isabela Police Mobile Force Company (IPFMC) at sinabi sa kanila ang bundok kung saan hinihinalang bumagsak ang eroplano batay sa nakakitang magsasaka.

Dahil pamilyar sila sa Mt. Moises ay  pinuntahan nila ito at inamin niya na mahirap ang buhay ng rescuer. Nanganganib sila sa mga mabangis na hayoo, lamok at linta.

Sa dalawang linggo nilang paghahanap ay wala silang nakitang lead dahil masukal ang kagubatan.

Ayon kay SB Member Preza, naging mahirap ang kanilang kalagayan dahil kailangan nilang hilahin ang kanilang motor para makaakyat sa bundok.  Mas mabilis silang nakarating sa target na bundok kumpara sa paglalakad na aabutin ng tatlong oras.

Sanay na sila sa kabundukan dahil bumuo sila ng grupo para sa pagtatanim ng mga punong kahoy para sa reforestration .

Magpapatuloy sila sa pagboboluntaryo hangga’t hindi natatagpuan ang nawawalang Cessna plane at hindi sila magiging pabigat dahil may sarili silang mga pagkain at  gamit.

Kinumpirma rin ni SB Member Freza  na may signal sa ilang bahagi ng bundok na kanilang pinuntahan. Ang kanyang pahayag ay kaugnay ng unang napaulat na may signal ang cellphone ng isa sa mga sakay ng eroplano nang tawagan ito nang araw na napag-alamang hindi nakarating sa Maconacon, Isabela.

Nakausap din nila ang isang magsasaka Cabiseria 25 sa Lunsod ng ilagan na  nagsabing nakita niya na mababa ang lipad ng eroplano at sinubaybayan hanggang mawala sa kanyang paningin sa kabundukan.

Pinuntahan nila ang bundok kahit malayo ngunit wala silang nakitang palatandaan sa nawawalang eroplano.