--Ads--

CAUAYAN CITY – Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 4 ang lalawigan ng Batanes kasabay ng paglapit ng Super Typhoon Leon sa nasabing lalawigan.

Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa PAGASA, huling namataan ang sentro o mata ng Super Typhoon Leon sa layong 310 km silangan ng Calayan, Cagayan.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 km/h malapit sa gitna ng bagyo at pagbugsong aabot sa 230 km/h. Kumikilos ang bagyo pahilagangkanluran sa bilis na 15 km/h.

Samantala, ibinabala na rin ang Signal Number 3 sa eastern portion ng Babuyan Islands at ang Sta Ana, Cagayan.

--Ads--

Signal Number 2 naman sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, nalalabing bahagi ng Cagayan, northern at eastern portions ng Isabela partikular sa bayan ng Santo Tomas, Santa Maria, Quezon, San Mariano, Naguilian, Dinapigue, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Palanan, Quirino, Divilacan, Gamu, Mallig, Maconacon, Burgos, City of Cauayan, San Guillermo, Angadanan, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Roxas, Aurora, at San Manuel, ang lalawigan ng Apayao, Kalinga, ang northern at eastern portions ng Abra partikular sa Tineg, Lacub, Malibcong, Lagayan, San Juan, Lagangilang, Licuan-Baay, at Daguioman, ang Paracelis, Mountain Province at Ilocos Norte.

Nananatili naman sa Signal Number 1 ang nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Mountain Province, Ifugao, Benguet, nalalabing bahagi ng Abra, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Nueva Ecija, Aurora, northeastern portion ng Tarlac, northern portion ng Bulacan, northern portion ng Quezon kabilang ang Polillo Islands, Camarines Norte, ang northern portion ng Camarines Sur at ang northern at eastern portions ng Catanduanes.

Inaasahang pinakalalapit ang nasabing bagyo sa Batanes mamayang gabi hanggang madaling araw bukas.

Sa ngayon ay hindi pa inaalis ng PAGASA ang posibilidad na tatama ang mismong mata ng bagyo sa Batanes at ang posibilidad ng pagtataas ng Signal Number 5 sa nasabing lugar.