--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbunyi ang mga Isabelenio sa karangalan hatid ng grade 11 student na si Wally Gacusan  matapos magwagi ng unang silver medal para sa Pilipinas sa high jump sa unang araw ng 12th South East Asia Youth Athletics Championships na magtatapos ngayong araw sa City of Ilagan Sports Complex.

Si Gacusan,  17 anyos,   may height na 5’9  ay estudyante ng Sta. Isabela Norte National High School at anak ng magsasaka sa Sta. Isabel Norte,  Lunsod ng Ilagan.

Si  Gacusan ay bronze medalist sa Palarong Pambansa sa Legazpi City,  Albay noong 2016.

Tatanggap siya ng 8,000 pesos na cash award mula sa Pamahalaang Lunsod ng Ilagan.

--Ads--

Unang inihayag ni Mayor Evelyn Diaz na ang mga atleta mula sa Lunsod ng Ilagan na mananalo ng gold ay mabibigyan ng P10,000,  P8,000 sa silver at P5,000 sa bronze.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gacusan na hindi naging hadlang ang maulan na panahon sa kanyang naging performance kahapon.

Sinabi niya na marami ang mga bumabati sa kanyang nakamit na karangalan para sa Isabela.

Aniya, alay niya sa kanyang pamilya ang napanalunang silver medal.

Sinabi pa niya na hindi niya event ang high jump kundi ang talagang sinanay niya ay long jump ngunit dahil sa dami ng mga atletang Pinoy na isasali sa mga event ay isa siya sa mga pinili na maglaro sa high jump.

Tiniyak niya na ipagpapatuloy at pagbubutihin pa niya ang pagiging isang atleta habang siya ay nag-aaral.

Si Wally Gacusan  ay nakapagtala ng 1.81 meters  sa high jump para manalo ng silver medal.

Ang gold medal winner ay si Vo Ngoc Long Cao ng Vietnam na nakapagtala ng flat 2.0 meters.

Ang isa pang Pinoy na si Janmell Francis Gervacio ng Muntinlupa National High School ang nagwagi ng bronze sa kanyang 1.70m.