--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinangunahan ni Bishop Jerry Sagun ng Iglesia Filipina Independiente Isabela Chapter ang isinagawa kaninang umaga na Walk for Peace at Peace Summit sa Reina Mercedes, isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bishop Sagun, sinabi niya na mahalaga ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF. Makakamit lamang aniya ang ganap na pagbabago at kaunlaran sa bansa kung may kapayapaan.

Ito ang pangunahing layunin aniya ng kanilang isinagawang Walk for Peace at Peace Summit sa Reina Mercedes, isabela. Ito ay dinaluhan ng umaabot sa tatlong daang individual mula sa Iglesia Filipina Independiente, United Church of Christ, Karapatan Cagayan Valley at Bayan.

May mga hawak silang mga plakard at nakasulat ang nais nila na ipagpatuloy ang peace talks, ang pagtutol sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao at ang pagpapalaya sa mga political prisoners.

--Ads--

Matapos ang walk for peace mula sa barangay Labinab Grande hanggang District I kung saan matatagpuan ang simbahan ay nagkaroon ng programa at tinalakay ang ilang usapin.

Sinabi pa ni Bishop Sagun na maaaring masundan ang kanilang walk for peace at peace summit sa iba pang bahagi ng ikalawang rehiyon.

Hinimok niya ang ibang sektor na makiisa sa hangarin nilang muling maisulong ang pag-uusap pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.