
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng kura paroko ng Saint James Parish Church sa Santiago City na tutugon ang simbahan sa mga health protocol na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay ng muling pagdaraos ng mga misa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Carlito Sarte, kura paroko ng Saint James Parish, sinabi niya na kailangan na tumugon ang simbahan sa mga safety protocols na inilatag ng pamahalaan para labanan ang Coronavirus Disease (COVID-19).
Pinaghandaan na ng simbahan ang pagpapatupad ng social distancing sa loob ng simbahan sa pamamagitan ng paglalagay ng marka sa mga upuan, pagkakaroon ng thermal scanner, alcohol, paglalagay ng handwashing area at pagbabawal muna sa mga senior citizen na dumalo sa misa.
Nagsasagawa rin ang simbahan ng survey para sa mga karagdagang panuntunan na maaaring ipatupad na hindi naisasantabi ang kalusugan ng mga manalampalataya.
Nakiusap si Father Sarte sa publiko pangunahin na ang mga senior citizen na manatili muna sa kanilang mga bahay para maiwasang mahawa sa COVID-19.










