Nakiisa ang ilang deboto ng Our Lady of the Pillar Parish Church-Cauayan City sa pagsusunog ng mga lumang palaspas kahapon, Pebrero 17, bilang paghahanda sa Ash Wednesday na hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma o Lenten Season.
Kasabay nito, ginunita rin kahapon ang Shrove Tuesday o mas kilala bilang Martes de Carnaval, kung kailan naghahanda ang mga Katoliko para sa 40 araw ng Kuwaresma sa pamamagitan ng pagkukumpisal at espiritwal na paghahanda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng nasabing simbahan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga mananampalataya sa mga gawain ngayong Kuwaresma. Kabilang dito ang pag-aayuno at abstinence, pagtulong sa simbahan at sa mga nangangailangan, at mas taimtim na pananalangin bilang bahagi ng paglalakbay tungo sa kabanalan.
Ipinaliwanag niya na ang mga sinunog na palaspas ay yaong ginamit noong Palm Sunday ng nakaraang taon. Ang abo mula rito ang gagamitin sa paglalagay ng krus na abo sa noo ng mga mananampalataya ngayong araw ng Ash Wednesday bilang simbolo ng pagsisisi at paghahanda sa paggunita sa paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoon.
Ayon pa kay Fr. Ceperez, mahalagang pagkakataon ang Kuwaresma para sa bawat Kristiyano upang pagnilayan ang kanilang misyon na maging banal. Dagdag niya, magkakaroon ng abstinence tuwing Biyernes, gayundin ng recollections at retreats upang higit na mapalalim ang pagninilay. Isasagawa rin ang tradisyunal na visita iglesia bilang bahagi ng taunang debosyon ng mga Katoliko.
Inaanyayahan ang lahat na makiisa sa pagdiriwang ng Ash Wednesday ngayong araw, lalo na ang mga estudyante, manggagawa, at iba pang abala sa kanilang gawain.
Isasagawa ang paglalagay ng abo sa ganap na alas-6:00 ng umaga, alas-12:00 ng tanghali, at alas-5:15 ng hapon sa Our Lady of the Pillar Parish Church.
Magkakaroon din ng Ash Wednesday rites sa mga kapilya ng Sta. Luciana-Dabburab, San Antonio-Amobocan, Cento-Sillawit, at Nagrumbuan-Marabulig 2 ngayong araw.







