CAUAYAN CITY- Magsasagawa ng simultaneous Labor Day Job Fair ang Department of Labor and Employment o DOLE sa buong Bansa bilang bahagi ng araw ng Paggawa o Labor Day sa May 1, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kathlyn Sabado ang Employment Unit Head ng DOLE Region 2, sinabi niya na bilang bahagi ng pagdiriwang ng 123rd anniversary ng Philippine Labor Day sa Mayo uno ay may iba’t ibang aktibidad silang nakahanay sa buong Lambak ng Cagayan kabilang dito ang job fair.
Magsasagawa ang DOLE Region 2 ng job fair sa apat na site kabilang ang SM Tuguegarao, ACT Agricultural Site sa Cauayan City, The Capital Arena sa Ilagan at Robinson Place Santiago.
Tinatayang nasa limang libong local vacancies at 1,000 vacancies para sa overseas recruitment agencies ang maaaring applyan ng mga job seekers.
Sa ngayon ay nasa 125 employers na ang verified na lalahok sa job fair at sampung overseas recruitment agencies para sa buong Rehiyon Dos.
Kabilang sa top 10 job vacancies na patok ngayon ay ang customer service representative, Micro finance officer, Drivers, Loan Officers, Car Dealers, Sales clerk, Financial /Web Planners, Clinical instructors at Cashier.
Puntirya ng DOLE ngayong taon ang 20% qualified applicant’s para ma-hire on the spot.
Pinapayuhan ang mga job seekers bago sumabak sa job fair ay dapat magkaroon ng tamang pahinga, magsuot ng pormal na kasuotan, ihanda ang mga isasagot sa interview, dalhin ang lima o higit pang kopya ng resume, certificates gaya ng diploma, training, eligibility at employer’s certificate.
Maliban sa job fair ay mayroon ding one stop shop sa The Capital Arena at SM City Tuguegarao kung saan kabilang ang SSS, Philhealth, Pag-ibig, NBI, TESDA, at PSA sa tutulong sa mga job seekers na mangangailangan ng mga dokumento.
Dahil digitalized na ang kanilang job fair ay kailangan munang mag Pre-register ng mga job seeker bago mag walk-in sa job fair.










