--Ads--

CAUAYAN CITY – Duda ang Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na mapapababa ang presyo ng karne ng baboy sa importasyon ng karne sa bansa sa pamamagitan ng pagbawas ng ipinapatupad na taripa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Rosendo So, chairman ng SINAG na kung titingnan ang presyo ng mga imported na karne ngayon ay kaunti lamang ang naidagdag kahit mataas ang ipinapatupad na taripa.

Dapat aniya ay nasa P180 lang ang presyo nito pero ibinebenta ng mahigit P300.

Naniniwala siya na kahit ibaba ang taripa ay hindi rin ito ibababa sa mga konsyumer.

--Ads--

Ayon sa kanya, kung gusto talagang tumulong ng mga importer sa mga konsyumer ay dapat noon pa sila nagbebenta ng mababang presyo at hindi na sana umabot ng P300 hanggang P400.

Umaasa siya na mapag-uusapan ang ibinabang Executive Order 128 ni Pangulong Rodrigo Duterte ng joint session ng kongreso para mahinto na ang mataas na presyo ng karne ng baboy dahil kung hindi ay kanselahin na lamang ang naturang Executive Order (EO).

Ayon pa kay Engr. So, malaki ang mawawala at maaapektuhan kapag dumating na ang mga imported na karne sa bansa pangunahin na ang mga backyard hog raisers at mga bumibili ng mais.

Apela rin niya na dapat suriin ang mga imported na karne para hindi na maapektuhan ang mga natitira pang baboy sa bansa.