CAUAYAN CITY – Mas mataas ang pagtaya ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa 1.7 billion pesos na pinsala sa agrikultura ng bagyong Maring na iniulat ng Department of Agriculture (DA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SINAG Chairman Rosendo So na ang mungkahi nila ay doblehin ng pamahalaan ang presyo ng aning palay at mais ng mga naapektuhang magsasaka bilang ayuda sa kanila.
Tinatayang 2 million na ektaryang lupa na tinaniman ng mga magsasaka ang naapektuhan ng kalamidad kaya kailangan ang awtomatikong subsidiya sa kanila para sa muli nilang pagtatanim.
Kung ang isang ektarya ay 4 metric tons ang inaaning mais ay bibigyan ng 2 pesos bawat kilo na ayuda ang magsasaka.
Ayon kay Engr. Rosendo So, bagamat umaabot sa 16 billion pesos na pondo ang kailangan dito ay mas maganda na ito kaysa sa paglalaan ng 7 billion na ayuda sa pagbili ng mga binhi at abono dahil tiyak na hindi mabibigyan ang lahat ng mga magsasaka.
Mungkahi nila na 8,000 pesos ang ibibigay sa bawat ektarya ng magsasaka na napinsala para mayroon silang magamit sa pagtatanim sa susunod na cropping season.
Ayon kay Engr So, maraming napinsalang mais sa Cagayan area kaya dapat magbigay ang DA ng agad na tulong pinansiyal.
Mabagal aniya kung binhi at abono ang ibibigay at marami ang hindi nabibigyan.






