
CAUAYAN CITY – Humihingi ng tulong sa Kagawaran ng Pagsasaka o DA ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sa pagpapataas ng presyo ng aning palay sa pamamagitan ng pagbabalik sa taripa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Rosendo So ang chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sinabi niya na batay sa kanilang monitoring naglalaro lamang sa 14 pesos per kilo ang newly harvest na palay sa region 1, 13 pesos kada kilo sa region 3, sampung piso kada kilo sa bahagi ng Mindoro habang nasa 13.50 hanggang 14 pesos sa dito sa Lalawigan ng Isabela , umaabot 17 pesos hanggang 18 pesos naman ang presyo ng dry o tuyong palay na sadyang napaka baba kumpara sa kanilang production cost.
Aniya, sa abono pa lamang ay umaabot na sa 1,400 hanggang 1,500 ang presyo bawat kaban na sadyang mas mahal kumpara sa dating presyo nitong 880 pesos noong nakaraang taon na resulta ng pagtaas ng presyo nito sa world market.
Batay kay Engr. So nakikipag ugnayan sila sa DA para hilingin ang pagpapataas ng presyo ng mga aning palay ng mga magsasaka dahil sa kasalukuyan nasa pitong bilyong piso lamang ang nakalaang pondo ng National Food Authority o NFA na maaari lamang makabili ng 2.7 million metric tons o 2.7 percent ng total harvest sa bansa.
Iginiit ni Engr. So na ang dahilan parin ng mababang presyo ng palay ay ang pagpapababa sa taripa ng inaangkat na bigas sa mga bansang nasa labas ng ASEAN dahilan para mas maraming traders ang mag aangkat ng bigas sa halip na bumili sa mga rice miller.
Para kay Engr. So mas mainam na mapag-tuunan ng pansin ng mga susunod pang administrasiyon ang pagpapataas sa produksiyon ng palay upang matulungan ang mga Local Farmers at hindi ang pagpaparami ng importasiyon.
Idinagdag pa niya na maliban sa bigas ay “flooded” na rin ng imported na karne ang bansa matapos na dagdagan pa ng pamahalaan ang bilang ng aangkating kerne ng baboy sa labas ng bansa sa kabila ng patuloy na banta ng ASF.










