CAUAYAN CITY- Limang katao ang nasawi habang siyam na iba pa ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang van sa Sadanga, Mountain Province.
sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Nestor Puguon ang Chief of Police ng Sadangan Police Station, sinabi niya na una silang naktanggap ng tawag kaugnay sa nahulog na sasakyan na agad naman nilang tinugunan katuwang ang BFP, PMFC, maging opisyal ng Barangay na nagtulong tulong para ma rescue ang mga sakay ng van.
Ayon sa Pulisya nahulog sa 50 metrong taas na bangin ang van at bumagsak sa tabing ilog kaya kinailangan na gumamit ng ibang ruta ng rescue team para maabot ang mga biktima.
Naging pahirapan ang operasyon dahil sa kinailangan pa nilang magbaba ng equipment para mailabas ang ilang naipit sa loob ng sasakyan at inabot ng humigit kumulang isang oras bago tuluyang nailabas ang lahat ng pasahero.
Dahil sa lakas ng impact ng pagbagsak, agad na nasawi ang 4 na sakay nito kabilang na ang driver, habang idineklara naming dead on arrival ang isa pa sa pagamutan.
Samantala, sugatan naman ang 9 na indibidwal na kasalukuyan ngayong nasa Bontoc General Hospital sa Bontoc, Mountain Province.
Batay sa kanilang initial investigation ang mga biktima ay pawang mga turista na patungo sana sa Buscalan Kalinga para bisitahin si Apo Whang-od.
Batay sa kanilang accounting labing apat na katao ang sakay ng van na angkop lamang sa seating capacity ng sasakyan.
Sa ngayon nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon at pakikipag ugnayan sa pamilya ng mga biktima para makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.