CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Jones Police Station kung may kaugnayan sa pagsunog ng mga armadong lalaki sa 2 Vote Counting Machines (VCM) Sa Sta. Isabel, Jones, Isabela ang sinunog na Mazda pick up sa Quezon, San Isidro, Isabela.
Matatandaang hinarang ng mga hindi pa nakilalang suspek ang dumptruck na sinakyan ng mga miyembro ng Electoral Board (EB) na magdala sa mga election paraphernalia na kinabibilangan ng 200 ballots na hindi pa nabasa mula sa barangay Dicamay 1 at Dicamay 2, Jones, Isabela.
Nangyari ang pagharang ng mga hindi pa nakilalang armadong lalaki na sakay ng pick up sa Sta. Isabel, Jones, Isabela dakong 6:20am kahapon.
Natanggap ng Jones Police Station ang tawag ni EB member Arlyn Borromeo Santos hinggil sa pagharang ng mga suspek sa kanila habang patungo sa Municipal Hall ng Jones.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni PCol Mariano Rodriguez, provincial director ng Isabela Police Provincial Office na may 2 suspek na natukoy ang mga witness ngunit tumanggi muna siyang banggitin ang kanilang mga pangalan.
Sinabi rin niya na iniimbestigahan na nila kung konektado sa pagsunog sa mga VCM sa Jones ang sinunog na pick up sa isang bakanteng lote sa Quezon, San Isidro, Isabela.
Ito ay dahil walang side mirror ang pick up at posibleng ito ang side mirror na natagpuan sa lugar kung saan sinunog ang mga bahagi ng 2 VCM sa Sta. isabel, Jones, isabela.