Upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko sa kabila ng isinasagawang road reblocking, nilinaw ng mga awtoridad na mananatiling bukas sa mga motorista ang Sipat Street, bagamat may ipinatutupad na pagbabago sa daloy ng sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division (POSD) Chief Pilarito Mallillin, maaari pa ring daanan ng mga motorista ang Sipat Street kahit may ginagawang road reblocking sa lugar.
Gayunman, ipinatutupad ang one-way traffic scheme habang nagpapatuloy ang proyekto. Aniya, ang mga sasakyang patungong city proper na nagmumula sa West Tabacal ay kinakailangang umiko sa may Barangay Hall ng District III, habang ang mga sasakyang pauwi naman ay hindi na kinakailangang dumaan sa naturang diversion.
Dagdag pa ni Mallillin, magsasagawa ang POSD ng regular na inspeksyon at pagbabantay upang matiyak na nasusunod ng mga motorista ang itinakdang traffic scheme at maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa City Engineering Office, inilahad na mahigit-kumulang ₱50 milyon ang pondong ilalaan para sa road reblocking sa West Tabacal, partikular sa pababang bahagi ng District III patungo sa Sipat Bridge.
Nilinaw din ng City Engineering Office na sa ngayon ay road reblocking pa lamang ang saklaw ng proyekto at hindi pa kabilang dito ang pagkukumpuni ng Sipat Bridge.











