Patuloy na nagiging pasakit para sa mga residente, tindera, at motorista ang butas-butas at sirang bahagi ng kalsada sa Barangay District 3, partikular na sa bahagi ng Pilar Street sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lanie Respicio, tindera at residente ng lugar, higit pang nakaka perwisyo ang naturang kalsada sa tuwing umuulan, dahil napupuno ng tubig ang mga lubak. Sinabi rin niyang sa tuwing mabilis ang pagpapatakbo ng mga saakyan ay tumatalsik ang tubig mula sa butas at tumatama sa kanila maging sa kanilang mga customers.
Aniya, matagal na nila itong pinag titiisan at marami nang nagrereklamo, lalo na’t halos araw-araw ang pag ulan sa lungsod.
Bukod sa sirang kalsada, isa pa umanong suliranin sa kanilang barangayay ang patuloy na pagtatapon ng basura sa lugar kahit na may malinaw na karatulang nagbabawal dito.
Aniya may ilang residente pa rin ang matitigas ang ulo, at kung minsan ay hindi isinasako ang basura at basta na lamang iniiwan o ikinakalat tuwing madaling araw.
Dahil dito, nagdudulot ito ng masangsang na amoy at karagdagang perwisyo sa mga naktira sa lugar.
Kung kaya’t, nananawagan si Ginang Lanie sa kanilang barangay officials na sana ay agarang aksyunan ang mga suliraning ito upang hindi maka apekto sa kabuhayan ng mga tindera, maging sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista at residente.











