--Ads--

Nakatakdang tumanggap ng isang natatanging award ang Sangguniang Kabataan o SK Chairman ng barangay Labinab mula sa Asias Golden Icon Award.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SK Chairman Jayson Purificacion ng Labinab, Cauayan City na tatanggapin niya sa ikadalawampu’t walo ng Hunyo ang kanyang award na Most Outstanding SK Chairperson at Humanitarian of the Year sa Okada, Manila.

Makakasama naman niya ang mga artista tulad nina Senador elect Robin Padilla at Toni Gonzaga.

Aniya, halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman dahil hindi talaga niya inasahan na mapipili siya at makatanggap ng recognition dahil ang hangad lang naman niya ay tumulong sa kanyang kababayan.

--Ads--

Mga kaibigan niya sa Maynila ang nagnominate sa kanya na una na ring nakatanggap ng award noong Enero matapos na hingiin ang kanyang mga achievements at award na natanggap.

Kabilang sa mga isinumite niya ay ang mga ginawa niyang pagtulong noong kasagsagan ng pandemya lalo na sa mga frontliners.

Ayon pa kay SK Chairman Purificacion, sinusunod lang naman niya ang kanyang Annual Budget Youth Investment Plan at ginagamit niya talaga sa tama ang mga pondo na inilaan para sa mga kabataan sa kanilang barangay.

Aniya, ang pagiging SK Chairman ay hindi mahirap kung may dedikasyon dahil mayroon namang pondo at gamitin lamang sa tama.

Sinabi niya na masaya ang pagiging SK Chairman dahil nagiging daan ito para siya ay makatulong sa kanyang kapwa.

Hindi naman aniya maiwasang may mga binabatikos na SK Chairman pero normal talaga ito sa politika kaya payo niya sa mga kapwa niya SK na gumawa lamang ng tama at ipakita na lamang lahat ng kanilang makakaya.

Sinabi pa ni SK Chairman Purificacion na bago siya naging SK Chairman ng Labinab, Cauayan City ay marami na rin siyang nagawa pero sa pagiging SK Chairman ay isa sa kanyang nagawa ang mapagbuklod ang mga kabataan sa kanilang barangay at makapagbigay ng inspirasyon na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Bukod dito ay nakakagawa na rin siya ng iba’t ibang proyekto para sa mga kabataan lalo na ang pag-iwas sa iligal na droga.

Bukod sa tatanggapin niyang award sa Asias Golden Icon Award ay kabilang din siya sa mga 10 Outstanding Kabataang Cauayeño 2022.

Ang bahagi ng pahayag ni SK Chairman Jayson Purificacion.