--Ads--

CAUAYAN CITY – Naging produktibo ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ng Santa Catalina, City of Ilagan sa gitna ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Sila ay nagsagawa ng iba’t ibang proyekto para matulungan ang mga frontliners, kabataan at senior citizen sa kanilang barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SK Chairman Melvin Adurable ng Sta. Catalina, City of Ilagan, sinabi niya na dahil sa mga proyekto na kanilang inilunsad sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic ay naging kinatawan  sila ng National Youth Commission (NYC) sa ginanap na Search for Most Outstanding SK COVID response sa buong Pilipinas.

Kabilang sa mga proyektong nakapaloob sa kanilang entry ay ang Bantay COVID-19.

--Ads--

Aniya, ang mga SK sa kanilang barangay ay kabilang sa mga naging frontliners na nagbabantay sa mga checkpoint.

Ikalawa ang ‘Ang Kit sa Unahan” o pagbibigay ng mga hygiene Kit sa mga frontliners.

Ikatlo ang Spray ng SK na kinilala ng DSWD dahil bukod sa mga paaralan ay dinisfect din nila ang mga bahay, daan, sasakyan, playgrounds, waiting shed at tindahan.

Ikaapat ang Likha’t Katha Kontra Corona na isang paligsahan sa paggawa ng slogan at tula.

Ang tema  sa tula  ay kung paano pinapahalagahan ang mga frontliners habang ang slogan ay kung paano maiwasan ang COVID-19.

Ang premyo na kanilang ibinigay sa mga nanalo ay mga kagamitan sa pag-iwas sa sakit.

Iaklima ang Project MMK o Malasakit sa Matatanda Kontra Corona.

Nagbigay sila ng mga disinfectant sa mahigit 70 senior citizens sa kanilang barangay.

Ikaanim ang KKK Kaagapay Kabataan Kontra Corona Relief Operations at lahat ng households sa kanilang barangay ay nakatanggap ng mga relief packs.

Ikapito ang Ayuda sa Unahan o pagbibigay ng relief goods sa mga frontliners sa kanilang barangay habang ang pangwalo ay ang serbisyong Connection sa Edukasyon o pagbibigay ng load assistance sa mga college students sa kanilang barangay.

At ikasiyam ang Project SKEAP o Sangguniang Kabataan Enrollment Assistance Program na pagtulong sa mga mag-aaral na makapag-enrol online.

Ayon kay SK Chairman Adurable, hindi pa rito nagtapos ang kanilang mga proyekto dahil mayroon ding SK Sa Iyong Pagtatapos na pagbibigay ng karangalan sa mga grade 6 student na nagtapos.

Ito ay bilang motibasyon na sa kabila ng mga pagsubok ay maramdaman pa rin nila ang halaga ng edukasyon.

Bukod sa kanila ay nagbigay din sila ng award sa mga most oustanding students na tinawag nilang Adorable Award.

Sa kasalukuyan ay mayroon din silang proyekto na tinawag nilang Home Skwelantine.

Mayroon silang mahigit 60 bata na binigyan ng mga kagamitan na kanilang gagawin sa kanilang bahay habang may umiiral na quarantine.

Ayon kay SK Chairman Adurable, ang mga proyektong ito ay bunga ito ng kanilang pagtutulungan at sa tulong na rin ng kanilang mga opisyal ng barangay.

Ang pahayag ni SK Cahirman Melvin Adurable.