Dalawang suspek ang inaresto sa isinagawang anti-criminality checkpoint ng 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company (QPMFC) madaling araw ng Pebrero 12, 2026 sa Border Control Point sa Brgy. Disimungal, Nagtipunan, Quirino.
Ang mga suspek ay kinilala bilang alyas “Ernie”, 45 taong gulang, may asawa, drayber; at alyas “Jas”, 34 taong gulang, may asawa, magsasaka, kapwa residente ng San Guillermo, Isabela.
Sila ay nahaharap sa paglabag sa Section 263 ng Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code of 1997, Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law, at Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Ayon sa ulat, habang nagsasagawa ng regular na checkpoint operation ang mga tauhan ng 4th Maneuver Platoon ng 2nd QPMFC, pinahinto nila ang isang pulang mica metallic na Toyota Vios na bumibiyahe mula Dinadiawan, Aurora patungong Echague, Isabela.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang malalaking kahon at ream ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo sa loob ng sasakyan. Nang ipabukas ang trunk, natagpuan pa ang karagdagang mga kahon. Nabigong makapagpakita ng legal na dokumento ang mga suspek kaya agad silang inaresto.
Sa ulat ng mga kapulisan, nakumpiska ang isang pulang mica metallic Toyota Vios, 199 ream ng American Blend Chairman Classic (Red), 50 ream ng American Blend Chairman Menthol (Black), 9 kahon na may tig-50 ream ng American Blend Chairman Classic (Red), 4 kahon na may tig-50 ream ng American Blend Chairman Menthol (Black)
Sa kabuuan, 899 reams ng sigarilyo na may tinatayang halagang Php 251,720.00 ang nasamsam. Ang mga ebidensya ay dinala sa Nagtipunan Police Station para sa wastong disposisyon.





