--Ads--

Arestado ang tatlong katao matapos masamsaman ng mga iligal na sigarilyo sa isang operasyon na ikinasa noong Miyerkules sa Barangay Panang, San Agustin, Isabela.

Ang mga nadakip ay sina Alyas Mateo, binata at magsasaka; Alyas Lard, magsasaka at kapwa residente ng San Agustin, Isabela; at Alyas Jane, residente ng Maddela, Quirino.

Ayon sa mga awtoridad, naharang sa isinagawang checkpoint ng pulisya ang van ng mga suspek na kargado ng mga iligal na sigarilyo.

Nasamsam mula sa mga suspek ang nasa 127 reams ng sigarilyong walang health warning, tax stamp, at kaukulang dokumento, na may kabuuang halaga na ₱47,000.

--Ads--

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng San Agustin Police Station, ang mga nasabat na sigarilyo ay mula sa Casiguran, Aurora at nakatakdang ihatid sa Maddela, Quirino upang ibenta sa isang grocery store na pagmamay-ari ng kapatid ng isa sa mga suspek.

Ang tatlong suspek ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.