--Ads--

Isang neuroscience startup, ang Matter Neuroscience, ang lumikha ng 2.7-kilong stainless steel phone case na sadyang hindi komportableng gamitin upang mabawasan ang smartphone addiction.

Ang case ay binubuo ng dalawang pirasong bakal na kailangang i-tornilyo gamit ang Allen wrench, kaya’t mabigat at hindi kasya sa bulsa. Ayon sa kompanya, ang bigat at pagod sa paggamit nito ay magsisilbing paalala upang ibaba ang telepono.

Kasalukuyang nangangalap ng pondo sa Kickstarter ang proyekto, na maaaring i-pre-order sa $210 (₱12,300). Mayroon ding brass version na $500 (₱29,400). Target nilang makalikom ng $75,000, ngunit nasa $17,000 pa lang ang nalilikom.