
CAUAYAN CITY – Iniinda ng mga tsuper ng jeep ang kautusan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) region 2 na limitahan ang mga pasahero sa mga bus at jeep para masunod ang social distancing.
Ito ay preventive measure kontra sa Coronavirus Disease (COVID 19).
Sa jeep mula sa dating 22 na puwedeng isakay na pasahero ay 11 na lamang ang puwedeng isakay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Robilan Manibog, driver/operator ng jeep na biyaheng Cauayan City patungong Roxas, Isabela, sinabi niya na malaki ang epekto sa kanilang kita ng kautusan ni Regional Director Edward Cabase ng LTFRB region 2 ngunit wala silang magagawa kundi sumunod dahil sa parusang pagkakulong ng 1 buwan.
Dahil sa kaunting kita aniya ay marami nang nakikipasadang tsuper ang ayaw nang mamasada.
Ayon kay Ginoong Manibog, kung ang driver ay operator o mismong may-ari ng jeep ay mayroon pa ring kita sa pagsunod sa bagong panuntunan ng LTFRB region 2 ngunit kung nakikipasada lamang ay mapupunta lamang ang malaking kita sa boundary.










