Magpapatupad ang pamahalaan ng Australia ng kauna-unahang social media age restriction sa buong mundo upang maprotektahan ang mga kabataan sa kritikal na yugto ng kanilang pag-laki.
Simula Disyembre 10, 2025, ang mga platform na itinuturing na age-restricted ay kinakailangang gumawa ng “makatuwirang hakbang” para sa restrictions sa mga Under 16 na gagawa ng accounts o may kasalukuyang accounts.
Ang bagong patakaran ay tugon sa lumalaking pangamba hinggil sa disenyo ng social media na nag-uudyok ng mahabang oras ng paggamit at naglalantad sa mga kabataan sa nilalamang maaaring makasama sa kanilang kalusugan at kapakanan.
Ayon sa eSafety, kabilang sa mga age-restricted platforms ang Facebook,Instagram,Snapchat,Threads,TikTok,Twitch,X (dating Twitter), YouTube, Kick at Reddit.
Hindi lahat ng online services ay sakop ng regulasyon. Hindi kasama ang online gaming at mga standalone messaging apps, ngunit maaaring mapasama ang mga messaging tools na may social-media style features.
Ang bagong regulasyon ay bahagi ng Online Safety Act at layong magbigay ng proteksyon sa mga kabataan online. Nilinaw ng eSafety na hindi ito ganap na “ban” kundi pag-antala sa pagkakaroon ng account. Hindi paparusahan ang mga kabataan o kanilang magulang, kundi ang mga platform mismo ang may pananagutan.
Ang mga social media services na mabibigong pigilan ang underage accounts ay maaaring pagmultahin ng hanggang 150,000 penalty units, katumbas ng humigit-kumulang $49.5 milyon AUD.
Bagama’t itinuturing itong malaking hakbang para sa child safety online, binabala ng ilang kritiko na hindi nito tinutugunan ang ugat ng online harm. Nanatiling bukas ang access sa dating apps, gaming communities, at AI chat tools, na maaaring maging alternatibong puntahan ng mga kabataan.
Gayunpaman, iginiit ng pamahalaan na ang bagong regulasyon ay nagtatakda ng minimum standard para sa kaligtasan ng mga bata online at magsisilbing pundasyon para sa mas malawak pang mga hakbang sa hinaharap.






