CAUAYAN CITY – Naglabas ng paglilinaw ang SOCO Cauayan City may kaugnayan sa reklamo ng pamilya ng Fishball Vendor na natagpuang patay sa ilog na nasasakupan ng Santor, Reina Mercedes, Isabela na hindi umano pag-asikaso sa bangkay ng biktima.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Alfredo Quintero, Team Leader ng Cauayan City Crime Laboratory sinabi niya na una nilang iminungkahi sa Pamilya Capinlac na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima na si Roman Capinlac dahil sa hinihinalang foul play sa pagkamatay nito.
Ito ay matapos na matagpuan ang motorsiklo nito malapit sa ilog sa Santor Reina Mercedes Isabela ilang araw bago natagpuan ang bangkay sa ilog na natakpan ng mga water lily.
Paliwanag ni PMaj. Quintero na pinagawa nila ng request letter ang imbestigador ng Reina Mercedes Police station para maipadala ang bangkay sa pagamutan sa lunsod ng Santiago at doon isailalim sa awtopsiya ngunit nang dadalhin na ay naisabay ito sa Schedule ng cremation sa labi ng biktima.
Maayos naman niyang iminungkahi sa Pamilya Capinlac na kung nagmamadali ay maaaring mag request na lamang ng Post Mortem Examination sa Municial Health unit ng San Mateo Isabela upang makita kung nagtamo ng sugat at tama sa ulo ang bangkay.
Pinanindigan niya na sumusunod lamang sila sa proseso dahil hindi sila maaaring gumalaw nang walang request letter mula sa Reina Mercedes Police Station na unang sinang-ayunan ng Pamilya Capinlac.
Dahil cremated na ang labi ng biktima ay hindi na matutukoy ng Pulisya kung may foul play sa pagkamatay nito dahil abo na ito, at tanging makakatukoy lamang at magpapatibay sa mga circumstancial evidence na kanilang nakalap ay ang kumpirmasyon ng dokor na sana ay titingin o magsasagawa ng autopsy.