Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si South Korean President Lee Jae-myung sa ika-3 ng Marso, ayon anunsiyo ng Malacañang nitong Biyernes.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na si Lee at ang kanyang maybahay na si Kim Hee Keon ay mananatili sa bansa sa loob ng dalawang araw, batay sa paanyaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa unang araw ng kanilang pagbisita, sasalubungin sina Lee at ang Unang Ginang ng South Korea nina Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa Malacañang Palace.
Ayon kay Castro, ito ang kauna-unahang pagbisita ni President Lee sa Pilipinas, at kauna-unahang state visit mula nang maging epektibo ang Free Trade Agreement (FTA) sa pagitan ng Pilipinas at Republic of South Korea noong Disyembre 31, 2024.
Huling bumisita sa Pilipinas ang isang pangulo ng South Korea noong 2024 nang magtungo sa bansa si dating Pangulong Yoon Suk Yeol bago ito matanggal sa pwesto.
Dagdag pa ni Castro, magaganap ang pagbisita ni Lee kasabay ng pagdiriwang ng ika-77 anibersaryo ng diplomatic relations ng Seoul at Maynila.
Magkakaroon ng bilateral meeting sina Marcos at Lee sa Malacañang kung saan tatalakayin ang pagpapalakas ng kooperasyon sa larangan ng depensa, economic activities sa karagatan, at iba pang usaping pangkaunlaran. Pag-uusapan din nila ang ilang regional at international issues.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkita ang dalawang lider. Nagkaroon na sila ng bilateral meeting sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Gyeongju, South Korea noong 2025.






