CAUAYAN CITY – Pangungunahan mamayang alas nuebe ng umaga ni Bishop Jose Elmer Mangalinao ng Diocese of Bayombong ang Solidarity Mass sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ito ay may layuning ipagdasal na hindi matuloy ang pagpapalawig sa Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OceanaGold Philippines Incorporated (OGPI).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na layunin din ng Solidarity Mass na magsama-sama ang mga tutol sa pagmimina dahil sa masamang epekto sa kalikasan at sa tao.
Hinihikayat niya ang lahat na resolbahin ang nasabing isyu sa maayos na pag-uusap at tahimik na paraan.
Nilinaw pa ni Gov. Padilla na hindi ang pamahalaan ng Nueva Vizcaya ang nagpatigil sa operasyon ng minahan kundi malinaw na nagpaso na ang kontrata ng OGPI kaya wala itong karapatan na mag-operate hangga’t wala pang desisyon ang Pangulo sa kahilingan nilang palawigin ang kanilang FTAA.
Unang sinabi ni Bb. En Ramel, organizer ng Alyansa ng Novo Vizcayano na naglatag sila ng barikada malapit sa malaking minahan para pigilin ang pagpasok ng mga magtatangkang mag-operate sa minahan.
Binigyang-diin ni Ramel na tama lamang na itigil na ang operasyon ng mining company dahil ang higit na nakikinabang sa yaman ng Pilipinas ay ang mga bansa na pinagdadalhan ng mga namimina sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.