--Ads--

Binuo muli ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang SALN Review and Compliance Committee na may tungkuling tumanggap, magsuri, at maglabas ng mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga miyembro at kawani ng Kamara.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Dy na nilagdaan niya noong Oktubre 20, 2025 ang memorandum na nagre-reconstitute sa komite.

Pangungunahan ito ni Deputy Speaker at South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez, habang sina Iloilo Rep. Lorenz Defensor at Marikina Rep. Miro Quimbo naman ang mga vice chairperson.

Ayon sa memorandum, ipagpapatuloy ng komite ang mandato nito alinsunod sa House Memorandum Order No. 17-42 (SPK) na inilabas noong Disyembre 20, 2016, at sa Resolution No. 176 na nagtatakda ng mga alituntunin sa paghahain, pagsusuri, at paglalathala ng SALN ng mga opisyal at empleyado ng Kamara.

--Ads--

Sinabi ni Dy na ang pagbubukas ng SALN para sa pampublikong pagsusuri ay matagal nang naging tradisyon sa Mababang Kapulungan at naniniwala siyang dapat itong ibalik.

Kabilang sa mga miyembro ng komite sina TGP party-list Rep. Jose Teves Jr.,   Tarlac Rep. Maria Cristina Angeles, Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, Ilocos Norte Rep. Angelo Barba, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Ang committee secretariat naman ay binubuo ng mga senior official mula sa mga tanggapan ng Legal Affairs, Legislative Operations and Administrative Departments, Office of the Secretary General, Committee on Rules, Records Management Service, at isang kinatawan mula sa Office of the Speaker.

Matatandaang noong Setyembre 22, limang araw matapos siyang mahalal bilang Speaker, sinabi ni Dy na sumusuporta siya sa panawagang ilantad ng mga opisyal ng pamahalaan—lalo na ng mga mambabatas—ang kanilang SALN upang muling maibalik ang tiwala ng publiko.

Ang panawagan sa pagpapalabas ng SALN ay muling lumakas matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong huling bahagi ng Agosto 2025 ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng pamahalaan, simula sa mga taga-Department of Public Works and Highways o DPWH na nasasangkot sa isyu ng umano’y maanomalyang proyekto sa flood control.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, saklaw ng direktiba ng Pangulo ang buong ehekutibong sangay, at hinikayat din ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at mga local government units (LGUs) na magsagawa ng kani-kanilang mga parallel checks.