Hinimok ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang pagpapalabas ng pondo para sa mga proyekto ng pamahalaan.
Iginiit niya na ang mga pagkaantala ay nagdudulot ng hindi makatarungang pasanin sa publiko.
Sa kanyang talumpati bago ang adjournment ng sesyon, ipinagmalaki ni Dy na naipasa ng Kamara ang 17 sa 52 prayoridad na panukalang batas ng administrasyon. Gayunman, binigyang-diin niya na ang mga batas na naipasa ay nangangailangan ng sapat at agarang pondo upang epektibong maipatupad at maramdaman ng mamamayan ang benepisyo.
Kabilang sa mga binanggit niyang mahahalagang panukala ang mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Presidential Merit Scholarship Program, at ang Digital Payments Act.
Ayon kay Dy, mahalaga ang bilis sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno.
“Huwag na huwag nating paghintayin ang taumbayan. Ika nga, aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ang serbisyo ay may halaga at mararamdaman lamang kung ito’y naipararating sa tamang oras,” ani Dy.
Ginawa ni Dy ang pahayag dalawang araw matapos punahin ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ng Antipolo ang umano’y kakulangan ng aksyon ng liderato ng Kamara kaugnay sa mga hinaing ng mga mambabatas tungkol sa pagpapalabas ng pondo para sa mga programa ng pamahalaan.
Binatikos din ni Puno ang DBM dahil sa umano’y hindi pagpapalabas ng pondo bago ang proseso ng bidding ng mga proyekto at serbisyo ng gobyerno, na aniya’y nagiging hadlang sa pagpapatupad ng mga inisyatiba at nakaaapekto sa kanilang mga nasasakupan.






