--Ads--

Itinuturing na welcome development ng isang abogado ang hakbang ng Korte Suprema na talakayin ang mga kasong may kaugnayan sa katiwalian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Egon Cayosa na positibong hakbang ang pagkilala ng Supreme Court sa mabagal na usad ng hustisya sa bansa, partikular sa mga graft cases. Gayunman, aniya, kulang pa rin kung special division lamang ang itatalaga upang dinggin ang mga kasong may kinalaman sa anomalya.

Paliwanag ni Cayosa, kahit may itatalagang special division, kung walang takdang deadline, maaari pa ring mabinbin nang matagal ang pagresolba sa mga kaso. Dagdag pa niya, posible pang magdulot ito ng mas malaking problema, lalo’t iisa lamang ang dibisyong hahawak sa napakaraming kaso ng katiwalian laban sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Imbes na magtalaga lamang ng isang dibisyon o specialized court, iminungkahi ni Cayosa na maglabas ang Korte Suprema ng special rules at atasan ang lahat ng hukuman na pabilisin ang pagdinig ng mga kasong ito, kalakip ang itinakdang deadline para sa disposisyon.

--Ads--

Sa ganitong paraan, aniya, maiiwasan ang posibleng impluwensya ng mga makapangyarihang tao o opisyal sa mga testigo.

Kung talagang gusto aniya ang transparency dapat lahat ng mga ahensya ay nagtutulungan at hindi nagsasabwatan para sa korapsyon.