--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Special Investigation Task Group (SITG) na binuo ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) sa naganap na pananambang kay PMaj Rafael Tangonan na nakatalaga sa Regional Finance Service Office (RFSO) ng Police Regional Office (PRO2).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Nelinda Maramag, Information Officer ng CPPO, sinabi niya na isinagawa ang pulong kasama ang mga matataas na opisyal ng PRO2 matapos ipag-utos ni Regional Director PBGen Steve Ludan ang pagbuo ng SITG na mangunguna sa malalimang imbestigasyon sa pagpaslang kay PMaj Tangonan.

Ang Abulug Police station ay nangangalap na ng mga kuha ng CCTV na magagamit sa posibleng pagkakilanlan ng mga suspek.

--Ads--

Patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa pamilya ni PMaj Tangonan upang malaman kung may mga natatanggap na pagbabanta sa kaniyang buhay bago naganap ang pananambang.

Pauwi na sa kanilang bahay sa Ballesteros, Cagayan si PMaj Tangonan noong gabi ng Lunes, November 7, 2022 nang paulanan ng bala ang minamanehong Toyota Hilux ng mga suspek na sakay ng isang kulay brown na Toyota Innova.

Nanawagan si PMaj Maramag sa mga nakakita sa pamamaril maging sa mga mayroong impormasyon sa sasakyan na ginamit ng mga suspek na makipagtulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad sa pagpatay kay PMaj Tangonan.