--Ads--

Malugod na tinanggap ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang panukalang SSS microloan program, at nanawagan na ang SSS at GSIS lamang ang pahintulutang magbigay ng pension loans sa mga Pilipino.

Ayon kay Ordanes, ang SSS at GSIS ang tanging may kakayahan at sapat na sistema upang tugunan ang pangangailangan sa pautang ng mga pensioners, habang napoprotektahan ang kanilang benepisyo laban sa mga abusadong private lenders.

Giit ng mambabatas, mali umanong mapunta sa lending companies ang kakarampot na pension ng mga retiradong SSS at GSIS members. Aniya, makatutulong ang SSS microloan program upang hindi mabaon sa utang ang mga senior citizen at retirees.

Nanawagan din siya sa Department of Finance at SSS na magsagawa ng malawak na information campaign upang maipaliwanag nang maayos ang programa sa mga miyembro.

--Ads--

Nauna nang inanunsyo ng DOF na target nilang ipatupad ang SSS microloan program sa unang kalahati ng 2026. Layunin nito na magbigay ng ligtas at abot-kayang short-term loans at mailayo ang mga miyembro sa loan sharks at iba pang mapagsamantalang pautangan.

Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ang mga kwalipikadong SSS members ng ₱1,000 hanggang ₱20,000, may 15 hanggang 90 araw na bayaran, at may 8% interest kada taon. Gagamitin din ang digital platforms ng mga partner banks at financial institutions para sa mas mabilis na transaksyon.