CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng Nationwide Run After Contribution Evaders o RACE operation ang Social Security System o SSS ngayong araw bilang bahagi ng pagdiriwang ng araw ng mga manggagawa bukas, unang araw ng Mayo.
Ang RACE operation ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagbisita sa mga delinquent employers upang sila ay paalalahanan sa kanilang responsibilidad sa pag-remit ng SSS contributions ng kanilang mga empleyado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Porfirio Balatico, Vice President ng Luzon 2 Division – Social Security System Cauayan Branch, sinabi niya na mayroon silang bibisitahin na apatnapu’t dalawang employers na may kabuuang 219 na employees.
Aniya, aabot sa kabuuang 10.71 million ang kanilang established collectibles sa mga employers na kanilang bibisitahin kabilang na dito ang mga penalties.
Napadalhan naman na aniya ng reconcile billing letter at demand letter ang mga delinquent employers kaya’t umaasa sila na kanila nang isasaayos ang kanilang responsibildad sa SSS pagkatapos ng RACE operation.
Kung hindi naman aniya sila magco-comply pagkatapos ng labing limang araw ay magsasampa na ng legal case ang ahensya laban sa mga employers.
Ang naturang operasyon ay paalala na din sa mga employers na I-update hindi lamang ang kanilang remittances kundi pati na din ang kanilang mga loan delinquencies upang makapag-avail ng benepisyo sa SSS ang kanilang mga empleyado.
Aniya nililinis na ng SSS ang mga delinquent employers bilang paghahanda sa kanilang plano na ihinto ang penalty condonation.
Hinikayat naman siya sa mga employers na ayusin na nila ang kanilang problema sa SSS upang maiwan na masampahan sila ng kaso at mas lumaki pa ang kanilang gastos.











