CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Social Security System (SSS) Cauayan Branch na walang binabayarang service fee sa online transaction ang kanilang mga miyembro.
Una rito ay dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang ilang miyembro ng SSS dahil sa pagbabayad nila sa kanilang pagpaparehistro online para sa naaplayang transaksiyon na nagkakahalaga ng 220 pesos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SSS Vice President Porfirio Balatico ng North Luzon 2 Division, nilinaw niya na walang service fee na binabayaran ang kanilang mga miyembro maliban na lamang kung nawala ng miyembro ang kanyang SSS ID o di naman kaya ay kailangang magpalit ng pangalan.
Aniya, may E-Center ang SSS na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga miyembro upang makapagrehistro online.
Mayroon ding kawani ng SSS na nag-assist sa mga miyembro na hindi marunong gumamit ng mga gadget.
Nakarating na aniya ang nasabing usapin sa kanilang tanggapan subalit labas na ang SSS sa isyung paniningil ng mga computer shop o ibang mga outlet na nagbibigay ng e-services sa mga miyembro ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Gayunman, sisikapin ng SSS na mapahusay pa ang pagbibigay nila ng serbisyo gayundin ang pagbibigay ng assistance sa mga miyembro upang hindi na nila kailangan pang pumunta sa mga computer shops upang magsagawa ng online registration.
Mungkahi naman niya na upang maiwasan ang pagbabayad ng service fee at pagpagawa sa labas ay maari namang magpatulong sa kanilang mga kasama sa Bahay o kakilala na marunong sa internet.





