--Ads--

CAUAYAN CITY – Natupok ng apoy ang buong simbahan ng St. Ferdinand Parish sa lunsod ng Ilagan sa naganap na sunog ngayong araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan   Danilo Toribio ng Bagumbayan, City of Ilagan, sinabi niya na agad naman silang tumawag ng mga bombero nang makita nilang nasusunog na ang simbahan.

Makikita aniya na umaakyat ang apoy sa pader ng simbahan at nilalamon ang altar at mga upuan habang nagbabagsakan ang mga kahoy at bubong.

Nagtulung-tulong sila sa pag-apula ng sunog habang naging abala si Father Duk sa paglalabas ng kanyang mga gamit mula sa kaniyang  bahay at opisina.

--Ads--

Dahil sa laki ng sunog ay kinailangan ng augmentation mula sa iba’t ibang Fire Stations mula sa mga kalapit bayan ng Lunsod.

Wala namang iba pang mga istraktura ang nadamay sa sunog.

Aniya, labis ngayon ang kanilang kalungkutan dahil bahagi na ng kasaysayan ng City of Ilagan ang St. Ferdinand Parish Church .

Samanatala, tiniyak naman ni Mayor Jose Marie Diaz, Sangguniang Panglunsod Member Jay Eveson Diaz at iba pang opisyal ng Lunsod ng Ilagan ang seguridad sa paligid ng simbahan habang inaapula ng mga bumbero at volunteers ang sunog.

Sa ngayon ay hindi pa maglalabas ng ano mang impormasyon ang pamahalaang lunsod Ilagan kaugnay sa insidente dahil gumugulong pa ang imbestigasyon.

Sa kabila ng malungkot na balita ay mapalad pa rin dahil hindi nadamay sa sunog ang St. Ferdinand College at walang naitalang casualty dahil walang klase ang mga estudyante.

May isang lalaki naman na nasugatan matapos na tangkain na magsalba ng gamit sa loob ng simbahan.

Aksidente umano nitong naitala ang kamay sa bakal na naging sanhi para magkasugat na agad namang dinala sa pagamutan.