CAUAYAN CITY – Aprubado na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang pagrerekomenda sa Sangguniang Panlalawigan ng Isabela na isailalim sa State of Calamity ang lalawigan.
Batay sa isinagawang special meeting na pinangunahan ng PDRRMC Isabela kasama ang ibang mga concerned agencies, inilatag ang lahat ng damage report na naitala sa lalawigan na naging basehan sa pagpapasa ng rekomendasyon upang isailalim ang lalawigan sa State of Calamity.
Batay sa inilabas na criteria sa declaration ng state of calamity sa isang lugar, kinakailangan na at least 30% ng hanabuhay sa sektor ng agrikultura, business at industrial sector ang naapektuhan.
At sa datos na inilabas ng Provincial Agriculture Office sa isinagawa special meeting, nasa 20.8% na ang affected families sa sektor pa lamang ng agrikultura.
Ito’y mga pamilya na may ari ng lupa at hindi pa kasama ang iba pang mga apektadong pamilya gaya ng mga trabahador, mga nagtitinda sa palengke at mga trucking na kasama ring apektado sa pagkasira ng mga pananim sa sektor ng agrikultura.
Umabot naman sa P32,888,000 ang naitala ng Provincial Engineering Office na sira sa mga kalsada at tulay sa buong lalawigan.
Sa Livestock and Poultry ay pumalo sa mahigit 8 milyon pesos ang naitala ng Provincial Veterinary Office.
Habang ang PSWD naman ay nakapagtala ng 159 totally damage houses at 1205 partially damage houses.
Kasama rin sa naturang pagpupulong ang hanay ng Department of Trade and Industry kung saan nangako ang ahensya ng agarang pagpapatupad ng price freeze sakaling maisailalim na sa state of calamity ang lalawigan.