Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang deklarasyon ng State of National Calamity matapos ang malawakang pinsalang idinulot ng Bagyong Tino (international name Kalmaegi), kasabay ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng pananalasa ng isa pang malakas na bagyo na maaaring maging super typhoon.
Ayon sa Pangulo, ang naturang hakbang ay alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang agarang mapabilis ang mga hakbang para sa pagtugon, rehabilitasyon, at pagbawi sa mga lugar na labis na naapektuhan.
Dagdag pa ng Pangulo, halos 10 hanggang 12 rehiyon ang inaasahang maaapektuhan ng Bagyong Uwan, na kasalukuyang binabantayan ng mga awtoridad.
Matatandaang napinsala ng Bagyong Tino ang Visayas at Mindanao na nagdulot ng matitinding pag-ulan, malalakas na hangin, at malawakang pagbaha. Libo-libong pamilya ang inilikas, ilang bayan ang lubog pa rin sa baha, at maraming insidente ng pagguho ng lupa ang naiulat.
Batay sa pinakahuling ulat ng pamahalaan, umakyat na sa 114 ang bilang ng mga nasawi bunsod ng bagyo.
Sa ilalim ng deklarasyon, mas mapapabilis ang pag-access sa calamity funds, pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin, at mas epektibong pagdadala ng tulong mula sa pambansang pamahalaan patungo sa mga apektadong lugar.
Samantala, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang inaasahang tatama sa Cagayan sa susunod na linggo. Papangalanan itong Bagyong Uwan pagpasok sa PAR at ang ika-21 bagyo sa bansa ngayong taon na may posibilidad umanong maging super typhoon.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kasalukuyang nasa “full swing” ang mga response operations sa mga matinding tinamaan ng Bagyong Tino, partikular sa mga lalawigan ng Visayas, habang sabay ding pinaghahandaan ang posibleng epekto ng Bagyong Uwan sa Hilagang Luzon.
Aniya, mananatiling naka-deploy ang mga team mula sa pambansang pamahalaan, militar, at pulisya upang maghatid ng tulong, magpanumbalik ng suplay ng kuryente at komunikasyon, at maglinis ng mga kalsadang nabarahan ng debris at landslides.
Aminado rin ang Pangulo na hamon sa kasalukuyan ang pagbalanse ng manpower at logistics sa pagitan ng patuloy na relief operations sa Visayas at paghahanda sa Northern Luzon, kung saan inaasahang tatama si Uwan.











