Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na 44 na probinsya sa bansa ang maaaring makaranas ng “way above normal” o higit na mataas na antas ng pag-ulan sa Marso, dulot ng patuloy na epekto ng La Niña.
Ang pagtaas ng pag-ulan ay nagdadala ng mas mataas na panganib ng pagbaha, flash floods, at landslide, lalo na sa mga lugar na madaling tamaan ng kalamidad.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Joey Figuracion, karamihan ng bahagi ng bansa ay makakaranas ng mas mataas sa normal na pag-ulan, samantalang ang kanlurang bahagi ng Ilocos Region ay posibleng makaranas ng mas mababa sa normal na ulan.
Sa kabuuan, 44 na lugar ang tinatayang makakaranas ng labis na pag-ulan, 32 probinsya ang may mas mataas sa normal na ulan, lima ang may near-normal na ulan, at tatlo ang makakaranas ng mas mababa sa normal na ulan.
Kabilang sa mga lugar na makakaranas ng matinding pag-ulan ay ang Metro Manila, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Laguna, Rizal, Quezon, Marinduque, Romblon, Palawan, Camarines Norte, Masbate, Sorsogon, Aklan, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Bohol, Cebu, Biliran, Northern Samar, Samar, Southern Leyte, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Davao Occidental, South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Basilan, Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu, and Tawi-Tawi.
Patuloy na umiiral ang kondisyon ng La Niña sa tropical Pacific mula pa noong Pebrero, at inaasahang magtatagal hanggang Abril. Inaasahan namang lilipat sa ENSO-neutral state—kung saan walang dominanteng La Niña o El Niño—mula Marso hanggang Mayo. Sa kabila nito, magpapatuloy ang epekto ng La Niña na nagdadala ng matinding panahon at pag-ulan sa bansa.
Sa Abril, inaasahan ang paglipat sa mas tuyo na kondisyon sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, bagamat may ilang rehiyon pa ring makakaranas ng mas mataas sa normal na pag-ulan.
Pagsapit ng Mayo, inaasahang near to above normal na pag-ulan sa karamihan ng bahagi ng bansa, na may mas kaunting lugar na makakaranas ng matinding pag-ulan.
Mula Hunyo hanggang Agosto, tinatayang near to below normal na pag-ulan ang mararanasan sa karamihan ng mga probinsya.
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang mga weather system na pinapalala ng La Niña at hinihikayat ang publiko na maging alerto sa posibleng epekto ng pagbaha at landslide.