Maglalagay ang pamahalaang lungsod ng Santiago ng karagdagang tatlumpung piraso ng steel barricade sa iba’t ibang diversion road at accident-prone areas sa lungsod bilang bahagi ng pinaigting na hakbang upang mabawasan ang vehicular accidents.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, sinabi niyang layunin ng paglalagay ng mga steel barricade na magsilbing harang at babala sa mga motorista upang maiwasan ang mga malalang aksidente, partikular sa mga lugar na may madalas na banggaan.
Ayon kay Cabanos, kabilang sa prayoridad na lalagyan ng mga bagong barikada ang diversion road ng lungsod, gayundin ang ilang barangay road crossings at mga national highway.
Ipinaliwanag niyang mas makabubuti ang bahagyang paghinto ng mga motorista bago tumawid kaysa sa tuluy-tuloy na pagdaan na nagiging sanhi ng aksidente, lalo na sa gabi.
Dagdag pa niya, reflectorized ang mga ilalagay na barricade at lalagyan pa ng reflectorized stickers upang maging malinaw na makita kahit madilim. Aniya, magsisilbi rin itong paalala o warning sa mga motorista upang mag-ingat sa pagmamaneho.
Sa kasalukuyan, Tinatayang nasa pitumpu na ang naunang naipakalat na steel barricade sa lungsod, at nadagdagan pa ito ng humigit-kumulang tatlumpung bagong piraso ngayong taon.
Inaasahang tuluyang mailalagay sa m ga pangunahing kalsada sa mga susunod na araw.
Binigyang-diin din ni Cabanos na patuloy ang kanilang hakbang dahil itinuturing na seryosong usapin ang pagdami ng vehicular accidents sa lungsod, kaya kinakailangang magpatupad ng mas mahigpit at konkretong mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko.
--Ads--











