Patuloy ang pagbabantay sa lalawigan ng Isabela kaugnay sa epekto ng Small Town Lottery (STL) at ilegal na sugal gaya ng jueteng.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman Ysmael Atienza Sr. ng Isabela Anti-Crime Task Force, sinabi niyang isa sa pangunahing tungkulin ng kanilang ahensya ay tiyaking nananatiling maayos at payapa ang lalawigan, at mapigilan ang anumang krimeng may kaugnayan sa sugal tulad ng jueteng.
Ayon sa kanya, sa kasalukuyan ay wala pa silang namo-monitor na insidenteng may negatibong epekto mula sa STL o jueteng.
Ikinuwento rin ni Atienza na minsan nang ipinagbawal ang jueteng sa lalawigan, at pinangakuan ang mga nagpapataya na mabibigyan sila ng ayuda mula sa pamahalaan kung titigil sila sa nasabing gawain. Dahil dito, huminto ang operasyon ng jueteng sa loob ng isang buwan, at mahigit 600 indibidwal mula sa Cauayan ang umasa sa ayudang ipinangako.
Ngunit nang hindi na makapaglaan ng pondo ang pamahalaan, muling bumalik sa pagpapataya ang mga residente.
Sa kasalukuyan, naging lantaran na umano ang operasyon ng jueteng sa ilang lugar sa Isabela. Dahil dito, hindi na rin umaasa sa ayuda ang mga dating nagpapataya, bagkus ay itinuturing na nila itong kanilang pangunahing hanapbuhay.
Giit pa ni Atienza, mas mabuting suportahan na lamang ang jueteng kaysa sa iba pang sugal tulad ng casino, na aniya’y mas mapanira sa buhay.
Dagdag pa niya, napuna rin nila ang pagbaba ng crime rate sa Cauayan, dahil imbes na magnakaw, ay ipinapasok na lamang ng ilang residente ang kanilang pera sa pagpapataya.
Gayunpaman, tiniyak ng task force na patuloy silang magbabantay upang maiwasan pa rin ang anumang uri ng krimen na maaaring idulot ng sugal.











