--Ads--

CAUAYAN CITY- Nirekomenda ng mga konsehal sa lungsod ng Cauayan ang pamamahagi ng stockpile na Family Food Packs (FFPs) sa mga lubos na nangangailangan bago pa man ito masira at tuluyang hindi na mapapakinabangan.

Tinalakay ito sa committee hearing kasama ang City Social Welfare and Development (CSWD) at Legal Officer ng lungsod.

Sa pagpapahayag ni CSWD Assisstant Officer Edna Asuncion, sinabi niya na 1000 ang stockpile na FFPs ng Cauayan na ngayon ay itinatago sa isang warehouse sa San Pablo, Cauayan.

Aniya, wala pa namang pagkakataon na nasiraan ng Relief Packs sa Cauayan dahil sa dami ng mga lugar na nababaha mula sa Poblacion hanggang East at West Tabacal Region.

--Ads--

Nagkaroon na rin aniya ng iba’t-ibang programa batay sa Disaster Related Activities at binibigay nila sa mga indibidwal na nagsasagawa ng road clearing operation, declogging, tree planting ang ilang Food Packs upang hindi ito masira.

Aniya, batay sa data base na hawak ng DSWD RO2, napapag-alaman nila kung ano yung pre at non prepositioned items kada taon at alam din ng Region kung kailan ang expiration date ng mga pagkain.

Inaabisuhan naman aniya sila ng DSWD R02 tatlong buwan bago ang expiration date ng mga produkto upang makasiguro na walang masisirang pagkain habang walang kalamidad na naitatala sa lungsod.

Ayon naman sa pagpapahayag ni Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega, sinabi niya na habang maaga pa ay ipamahagi na ang mga Family Food Packs lalo na ang mga bigas na posibleng magkaroon ng molds o masira.

Sa halip aniya na mapapakinabangan ay baka mas lalo pang walang mapupuntahan ang mga relief goods.

Hiniling din niya na magsagawa ng feeding program at gamitin na agad ang mga bigas bago pa ito masira.

Pwede rin aniya na ipamigay na ito sa mga humihingi ng tulong tulad na lamang ng may sakit, namatayan, at mga totoong hikaos sa pambili ng pagkain.